Nilinaw ni Balikatan Exercises 2024 executive agent, Col. Michael Logico na isang local aircraft ang namataang eroplanong lumilipad sa himpapawid sa kasagsagan ng ikinasang first-ever maritime sinking exercises ng Pilipinas at Estados Unidos sa Zambales.
Ito ang binigyang-diin ni Col. Logico sa gitna ng mga haka-haka hinggil sa umano’y aerial intruder sa isinagawa ng joint military exercises ng dalawang bansa.
Bagama’t naging matagumpay kasi ang isinagawa ng aktibidad ng kasundaluhan ay naging cause of delay naman ang nabanggit na aerial intruder na kalauna’y natukoy naman na nagmula pala sa isang local flight school.
Kung maaalala, nagkasa ng maritime sinking exercises sa kauna-unahang pagkakataon ang Pilipinas at Estados Unidos kung saan pinalubog nila ang decommissioned Philippine Navy corvette na BRP Pangasinan sa katubigang sakop ng bayan ng San Antonio, Zambales na may layo namang 235 kilometers mula sa Panatag shoal.
Habang sa gaganaping Balikatan Exercises naman ngayong taon ay inaasahan din na isasagawa muli ang sinking exercises ang dalawang hukbo ng Pilipinas at Estados Unidos kung saan gagamitin muli ang isang decommissioned Navy vessel.