Nagpahayag ng pagkabahala si Senator Imee Marcos sa umano’y tila dobleng kontribusyon ng mga overseas Filipino workers para sa kanilang social pension sa Pilipinas at sa South Korea.
Ito ay sa gitna ng nilagdaan noong 2019 na kasunduan sa Social Security sa pagitan ng gobyerno ng Republika ng Pilipinas at gobyerno ng Republika ng Korea.
Inihayag ng Senador na kinakaltasan ang sweldo ng mga OFW para sa pension fund gaya ng SSS ng doble.
Ibinahagi pa ng mambabatas na nagkakaroon na ng pag-uusap sa pagitan ng Pilipinas at South Korea simula noong 2005 subalit sa kabila ng kasunduan noong 2019 ang computation at mechanics ng kontribusyon para sa social pension ng mga OFW ay nananatiling hindi malinaw.
Pinagtataka din ng mambabatas na sa mga bansang napakaraming mga Pilipino wala aniyang social pension agreement.
Sa panig naman ng SSS, nagpaliwanag si Voltaire Agas, executive vice president ng SSS-Branch Operations Sektor, na saklaw ang apat na basic aspects sa ilalim ng Philippines-South Korea social security agreement.
Kabilang dito ang pantay na pagtrato sa pagitan ng mga mamamayan ng Pilipinas at mamamayan ng South Korea. Gayundin ang pagbibigay ng mga benepisyo, totalization ng insurance periods at mutual administrative assistance.