(Update) TUGUEGARAO CITY – Isinailalim na sa inquest proceeding ang isang ginang na umano’y abortionist sa Piat, Cagayan.

Sinabi ni Police Captain Gil Pagulayan, hepe ng Piat-Philippine National Police, na nahuli nila si Remy Domingo, 51-anyos ng Barangay Villarey, sa isang entrapment operation matapos na magpanggap na kliyente ang isang babaeng pulis.

Ayon kay Pagulayan, umamin naman ang ginang sa kanyang ginagawa matapos na ipakita sa kanya ang palihim na pagkuha ng video sa kanyang panghihilot sa pulis na nagpanggap na buntis.

Sa kanilang pagtatanong sa ginang, sinabi niya na gusto lang daw niyang makatulong sa mga pumupunta sa kanya na umiiyak at gustong magpalaglag.

Ayon kay Pagulayan, P3,000 ang siningil niyang bayad mula sa nagpanggap na pulis.

Gayunman, magkakaiba aniya ang sinisingil ng ginang depende sa laki ng ipinagbubuntis ng kanyang kustomer.

Nabatid pa ng mga otoridad sa mga kakilala at kapitbahay ng ginang, matagal na pala niya itong gawain.