Ipinag-utos ni PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar si Police Regional Office (PRO) 3 Regional Director PBGen. Val de Leon at Highway Patrol Group (HPG) Director PBGen. Alexander Tagum na imbestigahan ang mga umano’y pulis na naka-motor na nag-eexhibition sa pampublikong daan sa Zambales.
“Matapos kong mapanood ang viral video na ito, agad kong inatasan ang RD, PRO3, Police Brig. Gen. Val de Leon pati na din ang Director ng Highway Patrol Group na tukuyin, imbestigahan at patawan ng karampatang parusa ang mga kamote riders na ito. Kasama sa aking utos ay alamin kung mga pulis nga ang dalawang ito,” wika ni PGen Eleazar.
Ang kautusan ay ibinigay ng PNP Chief matapos mapanood ang video ng dalawang umano’y pulis na nag-viral sa social media.
Ayon sa PNP Chief, ang ginawa ng dalawang umano’y police riders ay labag sa “road regulations” at nagdulot ng panganib sa ibang mga motorista.
Paalala ng PNP Chief, may tamang lugar para sa mga ganitong exhibition, at hindi sa pampublikong daan.
Direktiba ni Eleazar, tukuyin kung mga pulis nga ang dalawang riders at patawan ng kaukulang parusa.
“Inaasahan ko ang mabilis na resulta ng imbestigasyon tungkol dito at binabalaan ko din ang ating mga pulis na motorcycle riders na huwag tularan ang mga iresponsable at mga payasong riders na ito,” dagdag pa PGen. Eleazar.