Inirekomenda ng Ukraine na mag-suplay ng mas maraming grains sa Pilipinas na isa sa pangunahing ini-export na produkto nito sa layuning matulungan ang bansa na mabalanse ang presyo ng mga basic comodities.
Ginawa ni Denys Mykhailiuk, Chargé d’Affaires ng Ukrainian Embassy sa Malaysia na mayroong hurisdiksiyon sa Pilipinas, ang naturang panukala kasabay ng pakikipagkita nito sa ilang mga opisyal ng gobyerno ng Pilipinas sa kaniyang apat na araw na pagbisita sa Maynila para mapataas ang bilateral trade sa pagitan ng dalawang bansa.
Bilang parte ng pagpapalakas ng ugnayan ng Ukraine at Pilipinas, magtatayo ng isang embahada nito sa Maynila at handang magbigay ang Kiev ng grain sa bansa sa pangmatagalan at contant basis.
Ayon pa kay Mykhailiuk na ang isang shipment ay maaari ng makapag-stabilize ng mga presyo ng mga bilihin sa bansa.
Sa kabila ng mga concern sa grain stability dahil sa nagpapatuloy na giyera sa Ukraine, tiniyak ng opisyal na gagamitin ang kanilang grain corridors sa Black Sea ports para ma-export ang naturang produkto sa Pilipinas.
Makakabuti din aniya ang panukalang ito para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagsusulong para sa seguridad sa pagkain sa international stage, para sa economical at political reasons.