-- Advertisements --

Magdaraos ang Britain ng isang virtual meeting nitong Huwebes (Biyernes sa PH), upang pag-usapan ang pagbubuo ng coalition ng mga bansa na maghahanap ng paraan upang muling buksan ang Strait of Hormuz.

Ito ay kasunod ng pahayag ni U.S. President Donald Trump na responsibilidad ng ibang bansa ang seguridad sa naturang daungan.

Pamumunuan ni British Foreign Minister Yvette Cooper ang pagpupulong na dadaluhan naman ng mga bansa tulad ng France, Germany, Italy, Canada, at United Arab Emirates, ngunit hindi nakatakdang dumalo ang Estados Unidos.

Layunin ng pagpupulong na talakayin kung paano maibabalik ang malayang pagdaan ng mga barko sa rehiyon.

Matatandaan na isinara ng Iran ang Strait bilang tugon sa mga ginawang pag-atake ng U.S. at Israel na nagsimula noong Pebrero 28, 2026.

Ang daungan ay nagdadala ng halos 1/5 na bahagi ng kabuuang konsumo ng langis sa buong mundo, kaya’t ang muling pagbubukas nito ay naging prayoridad para sa maraming bansa dahil sa serye ng pagtaas ng presyo ng enerhiya.

Ayon kay British Prime Minister Keir Starmer, susuriin sa pagpupulong ang lahat ng diplomatiko at politikal na paraan upang maibalik ang kalayaan sa pagdaan sa lugar, lalo na kung maisasakatuparan ang ceasefire.

Bagaman unang tumanggi ang mga bansa sa Europa na ipadala ang kanilang mga hukbong pandagat dahil sa takot na madamay sa labanan, nagbago ang kanilang pananaw dahil sa epekto ng mataas na presyo ng enerhiya sa pandaigdigang pamilihan.

Plano ng bubuuing coalition na unahin ang pagtanggal ng mga mina sa daungan at pagkatapos ay protektahan ang mga barko na dumadaan dito.

Aminado naman si Starmer, na ang muling pagbubukas ng Strait ay hindi magiging madali at mangangailangan ng pagkakaisa ng mga bansa tungo sa diplomasya.

Samantala, pinayuhan ni Trump ang ibang bansa: “build up some delayed courage” and “just grab it”.

“Just take it, protect it, use it for yourselves,” saad pa ni Trump.