Siniguro ng Estados Unidos na buo ang suporta nito para sa Taiwan matapos mamataan sa ikalawang araw sa himpapawid ng nasabing estado ang war planes mula China.
Ang hakbang na ito ay para raw subukan ang bagong administrasyon ng Amerika sa pamumuno ni US President Joe Biden.
Nababahala umano ang U.S. State Department sa ginagawang pananakot ng China sa democratoc government ng Taiwan.
Ayon sa tagapagsalita nito na si Ned Price, hinihikayat ng Amerika ang Beijing na itigil ang military, diplomatic, at economic pressure na ginagawa nito laban sa Taiwan. Mas makabubuti raw kung sisimulan na lamang ng China na makipag-usap ng maayos sa mga kinatawan ng Taiwan.
Base sa Defense Ministry ng Taiwan, sa unang araw ay nagpadala ang China ng walong nuclear-capable bomber planes at apat na fighter jets sa defense identification zone na matatagpuan sa Timog-Kanlurang bahagi ng isla, habang 16 na aircrafts naman sa ikalawang araw.
Halos araw-araw na nagsasagawa ng flight ang China sa katubigan sa pagitan ng katimugang bahagi ng Taiwan at sa Pratas Islands na kontrolado ng Taiwan nitong mga nakalipas na buwan.
Gayunman, isa o dalawang aircraft lamang ang ginagamit ng China sa naturang aktibidad.
Kaya naman, inihayag ng Taiwan na “unusual” ang presensya ng napakaraming Chinese combat aircraft sa nasabing misyon.
Sa ngayon ay nananatiling tahimik ang Beijing tungkol dito. (ABC NEWS).