-- Advertisements --

Ipinahayag ni US President Joe Biden na muling magbibigay ng dagdag na $800 million na military assistance ang Amerika sa Ukraine.

Sa gitna ito ng mas tumitindi pang pananalakay ng Russia sa nasabing bansa na tinawag naman niya na “critical window”.

Sa kanyang talumpati ay inanunsyo ni Biden na nakatakdang magpadala ang US ng mga bagong shipments kabilang na ang mga heavy artillery at 144,000 rounds ng ammunition.

Layunin ng talumpating ito ng US president na ipaalam sa kaniyang nasasakupan ang pinakabagong update sa nagaganap na kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine na magdadalawang buwan na mula nang magsimula ito.

Iginiit ni Biden na hindi siya susuko kasama ang kanyang allied partners sa pagpapataw ng kaparusahan sa Moscow at sa pangulo nito na si Russian President Vladimir Putin.

Ayon pa sa US president, bukod dito ay hindi kailanman nagtagumpay si Putin na sakupin ang buong Ukraine.

Samantala, plano rin Biden na magsagawa ng formal request sa susunod na linggo para sa Congress upang maaprubahan naman ang ikalawang supplemental funding package upang tiyakin ang maayos at mabilis na pagpapadala nito ng tulong sa Ukraine.