Inaasahang magpapatuloy ang pagkilos ng Bagyong Inday pahilagang-kanluran habang nananatili sa Philippine Sea, ayon sa pinakahuling pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa state weather bureau, huling namataan ang sentro ng bagyo sa 620 kilometro silangan ng Basco, Batanes. Taglay nito ang lakas ng hanging umaabot sa 150 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 185 kilometro kada oras.
Kumikilos ang Bagyong Inday pahilagang-kanluran sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Nananatiling nakataas naman ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa mga sumusunod na lugar:
- Batanes
- Silangang bahagi ng Babuyan Islands kabilang ang Babuyan Island, Didicas Island, at Camiguin Island
- Hilagang-silangang bahagi ng mainland Cagayan, partikular ang Santa Ana
Samantala, nakataas ang TCWS No. 1 sa mga sumusunod na lugar:
- Nalalabing bahagi ng Babuyan Islands
- Nalalabing bahagi ng mainland Cagayan
- Isabela
- Apayao
- Hilagang bahagi ng Abra kabilang ang Tineg, Lagayan, Danglas, San Juan, Lagangilang, Licuan-Baay, Malibcong, Lacub, Daguioman, Dolores, at La Paz
- Kalinga
- Silangang bahagi ng Mountain Province kabilang ang Natonin at Paracelis
- Silangang bahagi ng Ifugao kabilang ang Aguinaldo at Alfonso Lista
- Ilocos Norte
Dahil sa pinalakas na Southwest Monsoon o Habagat, maaaring makaranas ng malakas hanggang matinding pag-ulan ang Occidental Mindoro at Antique, na maaaring umabot sa 100 hanggang 200 milimetro.
Posible rin ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan ang maranasan sa Zambales, Bataan, Metro Manila, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, Romblon, Palawan, Aklan, Capiz, Iloilo, Guimaras, Negros Occidental, Negros Oriental, Zamboanga del Sur, Lanao del Norte, at Lanao del Sur.
Inaasahang lalabas ang Bagyong Inday sa Philippine Area of Responsibility (PAR) sa Sabado ng umaga o hapon at posibleng mag-landfall sa mainland China pagsapit ng Sabado ng gabi o madaling araw ng Linggo.
















