Lumakas pa ang Typhoon ”Francisco” nitong araw ng Lunes habang nanatili sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Batay sa 4:00 A.M weather forecast ng state weather bureau huling namataan ang sentro ng bagyo sa layong 715 kilometro Silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 140 kilometro kada oras at pagbugsong hanggang 170 kilometro kada oras, habang kumikilos pahilagang-kanluran sa bilis na 30 kilometro kada oras.
Ayon sa weather bureau, posibleng magtaas ng Signal Number 1 sa ilang bahagi ng hilaga at silangang Cagayan, kabilang ang Babuyan Islands at Batanes, sa mga susunod na oras kung magpapatuloy ang kasalukuyang galaw ng bagyo.
Gayunpaman, sinabi ng weather bueau na mababa ang posibilidad na direktang makaapekto ang bagyo sa kalupaan ng bansa.
Magdadala naman ng malalakas na mga pag-ulan ang habagat o southwest monsoon sa Visayas, Mindanao, at Palawan.
Inaasahan ding patuloy pang lalakas ang Typhoon ”Francisco” at maaaring maabot ang pinakamalakas nitong intensity bukas.
















