-- Advertisements --
DOTR JAIME BAUTISTA

Isang Turkish airport operator ang nagpahayag ng interest na sumali sa bidding para kunin ang pamamahala sa pangunahing gateway ng Pilipinas na NAIA.

Ito ay habang binili nito ang bidding document para sa proyekto noong nakaraang linggo.

Ang pinakahuling development ay nangangahulugan na may walong posibleng bidder bago ang deadline sa Disyembre 27, kung saan inaasahan ng Department of Transportation (DOTr) na lahat sasama sa bidding para mapatakbo at mapanatili ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, sila ay nakikipag-ugnayan na para sa one-on-one meeting ng mga nais lumahok sa nasabing bidding.

Aniya, kasalukuyan din nilang sinasagot at pinag-aaralan ang mga tanong at mungkahi ng mga bidders.

Matatandaang nagtakda ang gobyerno ng deadline sa Disyembre 27 para sa mga bid, na kung saan ang pagsusuri ay nakatakda naman sa unang quarter ng 2024.

Nauna nang sinabi ni Sec. Bautista na ang bidder na mag-aalok ng pinakamalaking bahagi ng kanilang kita mula sa pamamahala ng NAIA, na may concession agreement na nagsasaad ng inihain na P2-bilyong annuity payment ang siyang mananalo sa pagpapatakbo ng naturang gateway ng bansa.