-- Advertisements --
image 184

Nakapagbigay na ang DSWD ng hindi bababa sa P37.2 milyon na tulong sa mga naapektuhan ng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng malakas na pag-ulan sa Eastern Visayas.

Ayon kay DSWD spokesperson at Assistant Secretary for Strategic Communications Romel Lopez, ang Field Office sa Eastern Visayas ay walang tigil na nagpapadala ng tulong sa mga apektadong pamilya at indibidwal

Ang nasabing halaga ay para sa mga family food packs, na katumbas ng 49,566 boxes.

Ang food packs ay ipinamahagi sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha tulad sa Naval, Biliran; Arteche, Dolores, Jipapad, Maslog, at Oras sa Eastern Samar; Calbayog City, Gandara, San Jorge, at Sta. Margarita sa Samar at iba pang bahagi ng naturang lugar.

Dagdag ni Lopez, pinapadali din ng DSWD-Eastern Visayas ang pamamahagi ng food packs at iba’t ibang non-food items bilang augmentation support sa lahat ng iba pang local government units.

Pinakilos din nito ang satellite office ng DSWD para sa agarang pamamahagi ng mga relief items.

Kaugnay nito, ay binisita ni DSWD Secretary Gatchalian ang Northern Samar, kung saan nakipagpulong siya sa mga lokal na opisyal at pinangasiwaan ang pamamahagi ng mga relief items sa mga internally displaced individuals.

Inatasan niya ang DSWD-Field Office 8 na panatilihing bukas ang mga linya ng komunikasyon sa lahat ng LGU sa lahat ng oras upang maibigay ang mga kinakailangang mapagkukunan o resources at iba pang mga tulong at interventions.