-- Advertisements --

Isiniwalat ng Commission on Elections (Comelec) na hindi sapat ang natatanggap na tulong-pinansyal ng mga election officers ng Komisyon tuwing panahon ng halalan.

Ipinahayag ito ni Comelec chairman George Erwin Garcia sa gitna pa rin ng mga napapaulat na insidente ng karahasan laban sa kanila.

Bagama’t may tulong kasi aniyang ipinapaabot sa mga indibidwal na nagsisilbi tuwing eleksyon ay sa katunayan aniya ay hindi pa rin daw ito sapat dahil na rin sa mga banta sa kanilang buhay nang dahil sa kanilang pagseserbisyo.

Paliwanag pa ni Garcia, hindi lamang daw kasi pamamahagi ng financial assistance ang kanilang obligasyon sa mga ito kundi pati na rin aniya ang pagbibigay ng trabaho para sa kanilang mga pamilya.

Samantala, kung maaalala una nang iniulat ng Comelec na wala munang dagdag na honoraria ang mga guro na magsisilbi sa gaganapin na barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre ng taong ito dahil pa rin aniya sa kasalukuyang national budget na kanilang natanggap.