-- Advertisements --

Tahasang sinabi ni Transportation Sec. Arthur Tugade na hindi na nila hihilingin sa Kongreso ang paggawad ng emergency powers sa pangulo kung magmamatigas din ang mga mambabatas hinggil dito.

Ito ang tugon ng kalihim kasunod ng banggaan nila ni Senate Committee on Public Services chair Sen. Grace Poe kamakailan.

Sa isang panayam sinabi ni Tugade na malaking panahon na ang naaksaya mula nang hilingin umano nila na bigyan ng kapangyarihan ng Kongreso si Pangulong Rodrigo Duterte para solusyonan ang problema ng traffic.

Ngayon na nangangalahati na raw ang anim na taong termino ng presidente, hindi na raw hahabulin ng DOTr ang “oo” ng mga mambabatas sa emergency powers.

Kung maaalala, iginiit ni Poe na walang ipi-presentang plano ang ahensya kaya hindi nito mapag-aralan ang paggawad ng kapangyarihan kay Duterte.

Pero depensa ni Tugade, hindi sila binigyan ng pagkakataon ng komite ni Poe para talakayin ang kanilang masterplan sa emergency powers kontra traffic.