-- Advertisements --

(Update) CEBU CITY – Naisagawa na ang disinfection sa municipal hall ng Tuburan, Cebu, at sinuspinde muna ang mga operasyon sa tanggapan ng alkalde sa nasabing bayan.

Ito’y matapos nagpositibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) si Tuburan Mayor Danny Diamante.

Si Diamante na ang ika-apat na local chief executive sa Cebu na nahawaan ng COVID at pang-10 pasyente sa kanilang bayan.

Sa inilabas na statement kahapon, inihayag ng alkalde na sumailalim ito sa self-isolation noong Agosto 11 matapos sumama ang pakiramdam nito.

Nagpa-swab test naman ito noong Agosto 12 at lumabas ang resulta nito noong Biyernes na nagpositibo ito sa COVID-19.

Kaagad na ring isinagawa ang contact tracing at isolation sa mga nakasalamuha nito.

Kung maaalala noong Hunyo, kauna-unahang nagpositibong local chief executive sa Cebu si Lapu-Lapu City Mayor Junard Ahong Chan. Sinundan ito ni Daanbantayan Mayor Sun Shimura, habang noong Agosto 6 ay inanunsyo ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na nagpositibo sa COVID ang kapatid nitong si Barili Mayor Marlon Garcia.