-- Advertisements --

Nagbabala si US President Donald Trump sa Taiwan laban sa pormal na pagdedeklara ng independensiya mula sa China kasunod ng kaniyang pagbisita sa Beijing.

Sa isang panayam, binigyang-diin ni Trump ang kahalagahan ng pagpapakalma ng tensiyon, ngunit nanindigan ang Taiwan na hindi na nila kailangan magdeklara dahil itinuturing na nila ang sarili bilang isang malayang bansa.

Sinabi ni Trump na aabutin ng 9,500 milya ang lalakbayin ng US para makipaglaban sa giyera at hindi niya ito hinahangad. Sa halip, nais niyang humupa ang tensiyon sa pagitan ng Taiwan at China.

Ibinahagi ni Trump na marami silang pinag-usapan ni Chinese President Xi Jinping hinggil sa Taiwan, subalit tumanggi siyang kumpirmahin kung dedepensahan ba ng Amerika ang Taiwan.

Ayon kay Trump, ayaw rin naman ni Xi na magkaroon ng digmaan.

Pagdating sa $11 bilyong weapons package at iba pang kasunduan sa armas, sinabi ni Trump na pagpapasyahan pa niya ito sa lalong madaling panahon matapos kumonsulta sa mga lider ng Taiwan.