-- Advertisements --

Kinumpirma ni US President Donald Trump na sisimulan ang panibagong negosasyon sa pagitan nila ng Iran ngayong Lunes, Agosto 3.

Kasunod ito ng pagpapatigil ng tinawag niyang posibleng massive strikes sa Iran sa pag-asang agarang makakabuo ng isang kasunduan para muling buksan ang Strait of Hormuz at maresolba ang hindi pagkakasundo kaugnay ng nuclear capabilities ng Iran.

Nitong weekend, sinabi ni Trump na humiling ang Iran at Middle Eastern countries ng panahon para makumpleto ang kasunduan na magreresulta sa “immediate, complete at total” reopening o muling pagbubukas ng Strait of Hormuz at pagwawakas ng nuclear threat ng Iran.

Ayon kay Trump, isasagawa ang negosasyon hapon nitong Lunes subalit hindi nagbigay ng karagdagang detalye kung saan ito gaganapin o kung sino-sino ang mga dadalo.

Wala namang itinakdang deadline si Trump sa kasunduan.

“Would I rather make a deal? I’m not looking to kill people because people die, a lot of people die, and we don’t want that,” tugon ni Trump.

Wala ring tugon pa sa ngayon ang panig ng Iran kaugnay ng naturang panibagong negosasyon nila ng US.