-- Advertisements --

Inanunsiyo ni US President Donald Trump na gagabayan ng US ang mga barko na makadaan sa Strait of Hormuz simula ngayong Lunes.

Ayon naman sa US Central Command, kabilang sa military support ang guided-missile destroyers, mahigit 100 aircraft at 15,000 service members.

Ito ay bilang suporta umano sa “Project Freedom” ni Trump para mabawi ang kalayaan sa paglalayag sa Strait of Hormuz. Nilinaw naman ng isang US official na hindi ito isang escort mission.

Ayon kay CENTCOM commander Adm. Brad Cooper, ang kanilang suporta ay para sa “defensive mission” na mahalaga para sa regional security at global economy kasabay ng kanilang pagpapanatili sa naval blockade.

Nagbabala naman ang top Iranian official na si Ebrahim Azizi na isang paglabag sa umiiral na ceasefire o tigil-putukan ang naturang plano.

Sa kaniya namang Truth Social account, sinabi ni Trump na ang paggabay sa mga barko ay layuning mapalaya ang mga tao, kumpaniya at bansa na walang kasalanan at biktima lamang ng mga pangyayari.

Iniulat din ni Trump na mayroong “very positive discussions” sa pagitan ng mga kinatawan ng Amerika at Iran at naniniwalang magreresulta ito ng positibo para sa lahat.