Inanunsiyo ni US President Donald Trump ang planong konstruksiyon ng Navy battleships na ipapangalan sa kaniya sa ilalim ng “Golden Fleet” plan.
Ginawa ng US President ang anunsiyo sa kaniyang Mar-a-Lago residence sa estado ng Florida.
Ayon kay Trump, ang bagong Trump-class ships ay ang magiging pinakamalaking barkong pandigma sa kasaysayan ng Amerika at pinakamalaking battleship na ipapatayo sa kasaysayan ng buong mundo.
Aniya, inaasahang sisimulan sa lalong madaling panahon ang konstruksiyon sa Trump Class USS Defiant ships, na equip ng heavy weapons gaya ng nuclear-armed cruise missiles, mas mabilis at 100 beses na mas malakas.
Aniya, inisyal na sisimulan ang konstruksiyon ng dalawang bagong battleship at kalaunan ay planong paramihin pa ito ng hanggang 25.
Ayon sa US President, magiging operational ang mga barkong pandigma sa loob ng dalawa at kalahating taon.
Parte ang naturang plano ng mas malawak pang hakbang para sa pagpapalawig pa ng US Navy ng kanilang manned at unmanned vessels kabilang ang malalaking barkong pandigma na armado ng missile at maliliit na barko.













