Pinakialaman na rin ni US President Donald Trump ang nalalapit na Tokyo Olympics sa buwan ng Hulyo nang manawagan ito na ipagpaliban na rin.
Si Trump ang unang foreign leader na nag-ungkat sa isyu ng Olympics sa gitna na rin ng maraming mga sports event sa iba’t ibang dako ng mundo ang sunod-sunod na nagkansela dahil sa pangamba sa pagkalat ng coronavirus diseases.
Sinasabing marami ang nasorpresa sa pahayag ni Trump lalo na at palagi niyang tinatawag na “good friend” si Japanese Prime Minister Shinzo Abe.
Para sa lider ng Amerika mas makabubuting i-postpone na lang ang Tokyo Olympics sa susunod na taon kaysa ituloy ito na wala namang manonood.
Ang naturang hirit ni Trump ay kasunod nang pagsisimula ng traditional Olympic flame lighting ceremony doon sa bansang Greece na ibabiyahe patungong Japan.
Ang International Olympic Committee naman ay naninindigan na hindi pa nila napag-uusapan ang isyu sa cancellation o postponement sa Olympiyada.
Ang Tokyo Olympics ay magaganap sa pagitan ng July 24 hanggang August 9, 2020.