pagasa1

Patuloy na magdadala ng pag-ulan sa Visayas at Mindanao region ang low pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).

Ayon kay DOST-Pagasa Weather Specialist Meno Mendoza, ang sama ng panahon ay huling namataan sa layong 505 kilometers silangan timog-silangan ng Hinatuan sa Surigao del Sur.

Magdadala ito ng pag-ulan sa silangang bahagi ng Mindanao at Visayas pero mababa umano ang tiyansa na maging ganap na bagyo.

Samantala, ang isa pang sama ng panahon ay namataan naman sa layong 2,115 kilometers silangan ng Mindanao.

Taglay ng tropical depression ang lakas ng hangin na 45 kph at pagbugsong 60 kph.

Kumikilos ito pa-kanluran sa bilis na 20 kph.

Posible umano itong papasok sa teritoryo ng Pilipinas sa Lunes.

Samantala, dahil naman sa easterlies makararanas ng maulap na kalangitan na may pulo-pulong pag-ulan ang Cagayan, Isabela, Aurora at Quezon.

Maaliwalas namang panahon ang aasahan sa Metro Manila at may posibilidad na magkaroon ng pulo-pulong pag-ulan, pagkidlat at pagkulog.