LAOAG CITY – Patay ang isang tricycle driver matapos pagbabarilin ng riding-in tandem suspects sa bahagi ng Barangay Guerrero, Dingras, Ilocos Norte.

Nakilala ang biktima na si Conrado Castillo alyas Boboy, 33-anyos, taga Brgy. Suyo pero nakapangasawa sa Brgy Guerero sa nasabi ring bayan.

Ayon kay Police Lt. Belen Baoit, deputy chief of police sa bayan ng Dingras, sa inisyal nilang imbestigasyon, habang binabaybay ng biktima ang nasabing lugar lulan ang kanyang tricycle ay sinundan siya ng dalawang lalaki sakay ng motorsiklo at dito na pinagbabaril.

Nagtamo ng siyam na tama ng bala ng baril sa katawan ng biktima partikular sa kanyang ulo, sentido, dibdib, balakang, balikat tiyan nito.

Lumalabas na kalibre 45 na baril at 9mm ang nagamit sa nangyaring krimen.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad para malaman ang pagkakilanlan sa mga suspek at motibo sa pagbaril-patay kay Castillo.