Nagsagawa ng virtual graduation ang isang akademya sa Digos City.
Sa naturang online program na pinangunahan ng mga guro at school officials ay makikitang nasa kani-kaniyang mga bahay ang mga estudyante na isa-isang tinatawag ang pangalan.
May ilan rin dito na nagbahagi ng kanilang tribute to parents, Presidents speech, at nakibahagi rin sa programa ang kanilang guest speaker.
Sa panayam ng Star FM Baguio kay Ibrahim Onggo, Vice President for Student Affairs ng Digos Central Adventist Academy, ibinahagi nitong bago ang krisis sa COVID-19 ay handang-handa na sila para sa graduation sa kanilang paaralan.
“Before [the quarantine], yung graduation namin, lahat ng program namin, well-planned na talaga. Ready na yung mga certificates, invitations, guest speakers, even the tokens and the awards. Nung dumating yung COVID-19 pandemic, parang gumuho lahat ng mga plans ng school namin.”
Dahil nga sa krisis sa coronavirus, hindi na ito natuloy. Ayaw naman umano ng pamamahala ng paaralan na masayang ang pinaghirapan ng mga estudyante kaya napag-isipan nila ang isang e-graduation.
Ikinuwento rin naman nito ang kaibahan ng kanilang isinagawang pagtatapos.
“Ayaw din naming masayang yung naibayad nila. Yung online graduation namin, hindi siya yung typical na online graduation, kasi may on ground na shooting, and at the same time, may mga students na may part, like yung presidents speech, yung tribute to parents. Since di sila makakalabas sa mga bahay nila, we asked them to take a video. Naipadala na namin sa kanila yung mga diplomas nila ahead of time.”
Sinabi nitong kahit may krisis ay nais pa rin nilang bigyan ng parangal ang mga estudyante kahit hindi man sa tradisyunal na paraan.
“Ang naisip talaga ng President namin, ayaw niyang ipagkait yung deserve na makuha ng mga bata. Kahit ganito yung sitwasyon natin ngayon, he still wants to give it to the students. Naghanap siya ng paraan para matuloy yung graduation.”
Inamin rin nito na nalulungkot sila dahil maraming pinagdaanan ang mga estudyante mula noong nakaraang taon, dahil na rin sa mga nangyaring pag lindol sa Mindanao, na dahilan kaya nagkaroon ng maraming kanselasyon sa mga klase.
Nangako naman ito na sa oras na maging maayos na ang lahat ay itutuloy pa rin nila ang isang aktwal na pagtitipon para sa pagtatapos ng mga estudyante.
“Masakit siya sa mga students kasi hindi nila na-enjoy yung last year nila sa senior high, sa grade 6, kasi putol-putol yung klase, may mga adjustments, may mga nakansela, especially yung pinaka importante sa lahat, yung graduation. Ito yung isa sa pinaka importanteng okasyon sa buhay ng isang tao, ng isang estudyante. Soon, kung magiging okay na itong COVID-19, we are still going to conduct an actual graduation.”
Nagbigay rin ito ng mensahe para sa lahat ng mga estudyanteng naantala ang pagtatapos ngayong taon dahil sa pandemyang kinakaharap ng buong mundo.
“Sa lahat ng graduating students ng batch 2020, as a teacher, masakit din sa akin na hindi kayo nagkaroon ng magandang ending ng school year niyo. Hindi niyo nakuha ang diploma niyo in a formal way. But still, be thankful. Congratulations! Baka sabihin niyo, malas year ito dahil andaming nangyari, but you survived. You finished your studies. Commencement is not the end, it’s the beginning.”