-- Advertisements --

Nakatakdang ilunsad ng Department of Health ang mas maikling treatment plan para sa mga tuberculosis patients sa bansa.

Batay sa inilabas ng DOH na plano, ang treatment period na dating sinusunod na umaabot ng hanggang sa anim na buwan ay iiklian na lamang ng hanggang sa apat na buwan.

Para naman sa mga drug-resistant TB cases, ang magiging treatment period ay iiklian ng hanggang anim na buwan na lamang mula sa dating siyam na buwan.

Ayon kay Health Secretary Teodoro “Ted” Herbosa, ang bagong plano ay ipapatupad na kaagad sa mga health facilities sa buong bansa.

Aniya, mas mahihikayat ang mag TB patients na kumpletuhin ang kanilang medikasyon kapag mas maikli ang treatment period. Malimit kasi aniyang itinitigil na ng mga pasyente ang kanilang medikasyon kapag nararamdaman na nilang may pagbabago sa kanilang kalusugan, kahit na hindi pa tapos ang treatment period.

Gagamit naman ang DOH ng mga bagong paraan kabilang na ang artificial intelligence, connectivity software, at iba pang state-of-the -art technologies, upang matukoy ang mga bagong TB cases sa bansa.

Kasabay nito ay hinikayat ng kalihim ang publiko na huwag mahiyang sumailalim sa testing kung nakakaranas ng sintomas ng nasabing sakit.

Kinabibilangan ito ng labis na pagpapawis lalo na pagsapit ng gabi, pag-ubo ng mahigit pa sa dalawang linggo, palagiang nilalagnat, at labis na pagbaba ng timbang.