Kinalampag ng isang grupo ng Transport Network Vehicle Service operators ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board na aksyunan na ang kasalukuyan nilang suliranin ngayon hinggil sa mga commission rates ng mga ride hailing applications sa bansa.
Ayon kay Laban TNVS President Jun De Leon, ang commission rates kasi na ipinapataw ng mga ride-hailing apps na ino-operate ng mga Transport Network Companies ay kasalukuyan pa ring nasa minimum na 20 percent.
Aniya, ito ang dahilan kung bakit nagkakaroon ng pangamba ngayon ang ilan sa mga tsuper ng Transport Network Companies dahil sa malaking tapyas ng commission rates ng mga ride hailing apps sa kanilang kita na mas pinapalala pa ng mataas presyo ng produktong petrolyo.
Kaugnay nito ay ipinunto ni De Leon na naniniwala ang kanilang samahan na ang reasonable commission rate ay dapat na nagkakahalaga lamang sa 10 hanggang 12%.
Kasabay nito ay iminungkahi rin niya sa LTFRB na dapat ay maging flexible ang commission rates depende sa iba’t-ibang mga factors tulad na lamang ng pabago-bagong presyo ng produktong petrolyo.m
Samantala, bukod dito ay nanawagan din ang grupo sa LTFRB na magpatupad ng “supply cap” sa mga Transport Network Companies dahil mahalaga aniya ito upang tiyaking hindi maaapektuhan ng dami ng mga bumabiyaheng TNVS drivers ang kanilang kita.