Transport group sa Cebu, hindi magsasagawa ng transport strike sa susunod na linggo; Ilang transport group, planong magsagawa ng ‘transport holiday’ laban kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board-7 Director Montealto
Nagpahayag ng hindi paglahok sa transport strike ang transport group sa Cebu sa kabila ng plano ng iilang grupo na magsasagawa ng transport strike sa susunod na linggo may kaugnayan sa pag-phase-out ng mga tradisyunal na jeepney.
Sa isinagawang press conference, inihayag ni Novy Medallo, Chairman ng Federation of Cebu Transport Cooperative, na 100% sinusuportahan nila ang transport modernization program ng gobyerno dahil makikinabang pa umano dito ang parehong mga drivers at mga pasahero dahil nag-aalok ito ng mahusay at komportableng paraan ng transportasyon.
Sinabi pa ni Medallo, na mayroong anim na korporasyon at kooperatiba ang nasa ilalim ng grupo nito at may siyam pa na handang maging bahagi ng pederasyon.
Kinondena naman ng pederasyon ang planong transport strike ng ilang grupo sa Metro Cebu.
Sakali namang matuloy ang transport strike, may mga nakastandby naman umano na modernized public utility vehicles na magsilbi sa mga pasahero kung saan sa kasalukuyan ay maroong 1000 na fully operational sa buong rehiyon.
Samantala, ipinagtanggol naman ng pederasyon si Land Transportation Franchising and Regulatory Board-Central Visayas (LTFRB 7) Director Eduardo Montealto Jr. sa mga alegasyon na ibinato sa kanya.
Nauna nang nagpahayag ang Cebu Integrated Transport Service Multi-Purpose Cooperative (CITRASCO) na hindi sila lalahok sa transport strike, ganunpaman, magsagawa sila ng “transport holiday” laban kay Montealto para pababain ito sa pwesto.
Hindi naman tinukoy ng grupo kung kailan nila isasagawa ang transport strike.










