-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Tatlong transport cooperative sa lalawigan ng Cotabato ang makikinabang sa EnTSUPERneur program ng Department of Labor and Employment o DOLE.

Ang mga ito ay ang Midsayap Van Transport Cooperative, President Roxas Transport Cooperative, at Mindanao Transport Cooperative sa Kidapawan City.

Nabatid na sumailalim kamakailan ang mga myembro ng mga kooperatiba sa serye ng oryentasyon hinggil sa programa.

Sinabi ni Christopher Gamboa, senior labor and employment officer ng DOLE-Cotabato na nasa proseso na ang mga papeles ng mga miyembro ng transport groups upang malaman ang mga kwalipikadong indibidwal.

Ang EnTSUPERneur program ay nakaangkla sa DOLE lntegrated Livelihood and Emergency Employment Program o DILEEP ng DOLE.

Sa ilalim ng nabanggit na programa, ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay binibigyan ng kabuhayan starter kits na may maximum amount na P30,000 samantalang ang mga benepisyaryong grupo naman ay nabibigyan ng hanggang P1,000,000 depende sa proyektong kanilang ipatutupad.

Ayon kay Gamboa, ang programang ito ay unang ipinatupad sa lalawigan sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation.