-- Advertisements --

Hiniling ng ilang minority senators na maglabas ang gobyerno ng detalyadong eksplanasyon kung papaano nakapasok sa Pilipinas ang hindi otorisadong COVID-19 vaccine at nagawa pang ipamahagi sa ilang miyembro ng militar at mga gabinete.

Sinabi ni Senator Risa Hontiveros na ang pagpapabakuna ng ilan sa mga close-in security guards ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi ligtas at iligal pa.

Malinaw umano na smuggled ang mga ginamit na bakuna na kinuha lamang sa black market.

Nais daw nilang malaman kung sino ang nasa likod ng secret vaccination, gayundin kung sino ang pasimuno at supplier ng mga bakuna.

Kung hindi raw kasi si Pangulong Duterte ang nag-utos sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpaturok ng hindi otorisado at hindi siguradong bakuna mula China ay sigurado raw na nasa Malacañang lamang ang promotor ng iligal at iresponsableng aksyon na ito.

Bukod aniya sa hindi ligtas ang bakuna ay posible rin na hindi ito epektibo at mas lalo lamang magdudulot ng peligro sa kalusugan ng publiko.

Hindi raw kasi malayo na na maging kumpyansa ang mga ito at maging sanhi pa para maging COVID superspreaders.

Ayon pa sa senador, mas lalong imposible na maniwala ang publiko sa immunization program ng pamahalaan kung mismong mga matataas na opisyal ng gobyerno ang hindi sumsunod sa protocols.

Para naman kay Senator Leila De Lima, dapat pangalanan ang mga opisyal na nabakunahan. Maituturing aniya na seryosong usapin ito at kailangan pananagutin ang lahat ng nasa likod nito.