-- Advertisements --

BOMBO DAGUPAN- Balik na sa pagiging dominanteng sakit ngayon ang flu o trangkaso kaysa sa COVID-19.

Ito ang obserbasyon ni Dr. Jess Canto, resource person ng programang Dr. Bombo ukol sa dalawang nabanggit na sakit.

Ayon kay Canto, matapos ang ilang taon na pamamayagpag ng COVID-19 sa mga pasyente, sa kanilang napapansin sa kasalukuyan unti-unti muling nagbabalik ang pagtaas ng kaso ng natatamaan ng trangkaso lalo na ngayong panahon ng tag-ulan.

Aniya, bagaman halos magkasama sa iisang grupo ng sakit ang dalawa, at maging ang ilang sintomas nito, higit pa rin naman umanong malala ang epekto ng COVID-19 sa katawan ng tao.

Ngunit sa kabilang banda, hindi rin naman dapat na balewalain ng publiko ang epekto ng flu sa katawan dahil kapag ito ay nabayaan, ito ay maaring humantong sa ilang mas malalang mga sakit o mga komplikations gaya na lamang ng bacterial o viral pneumonia, inflamation ng puso, viral miningitis, at cephalitis dahil kapag ang pasyente ay mayroon nito ay pinapahina nito ang kanyang resistensya.

Kaya naman mas maraming tao ang at risk lalo na sa mga immunocompromise individuals.

Dagdag pa ni Canto, para maiwasan ang pagkakaroon nito, mainam na palakasin ang pangangatawan at kumain ng mga pagkain na mayaman sa Vitamin C.