Kinumpirma ni Presidential Spokesman Harry Roque na papayagan na ang pagsasagawa ng workshops, trainings, seminars at iba pang pagdiriwang sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ibig sabihin lamang nito ay pwede na ang hanggang 30% capacity na mga pagpupulong.
Ito ang napagkasunduan ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa kanilang isinagawang pagpupulong kahapon.
Bukod sa Metro Manila, nasa ilalim din ng GCQ hanggang sa Disyembre 31 ng kasalukuyang taon ang Batangas, Iloilo City, Tacloban City, Lanao Del Sur, Iligan at Davao City.
Maaari na ring gamitin na venue ang mga restaurants, ballrooms, at function halls sa loob ng mga hotel.
Inatasan naman ng IATF ang Department of Tourism (DOT) at Department of Trade and Industry (DTI) na gumawa ng patakaran hinggil dito.
Dagdag pa ni Roque na kasama rin sa napagkasunduan sa IATF meeting ang naging rekomendasyon ng Office of the Cabinet Secretariat na ipatupad ang Safety Seal Certification Program.