-- Advertisements --

NAGA CITY – Trahedya ang sumalubong sa isang pamilya sa Mother’s Day celebration kahapon, Mayo 14, 2023, matapos saksakin sa leeg ang isang ginang sa Brgy. Adiangao, San Jose, Camarines Sur.

Mababatid na una nang kinilala ang biktima na si Felecita Rosales-Delos Santos, 65-anyos, residente ng nasabing lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay PMaj. Rommel San Andres, hepe ng San Jose Municipal Police Station, sinabi nito na posibleng galit sa pamilya ang motibo sa nasabing krimen.

Ayon kasi sa opisyal, may dati nang alitan ang pamilya ng biktima at ng dalawang suspek kung saan kinilala ang isang sa mga suspek na si Wejay Riva, 30-anyos, residente rin ng nasabing barangay.

Samantala, inamin naman ni San Andres na natagalan sila sa pagresponde dahil mountainous area ang nasabing lugar at medyo malayo ito sa kanilang himpilan.

Ngunit sa kabila ng mahigpit na hot pursuit operation ay agad namang nahuli ang mga suspek at ngayon ay nasa kustodiya na ng mga awtoridad para sa karampatang disposiyon.

Sa ngayon, hustisya na lamang ang tanging sigaw ng pamilya kaugnay ng nasabing krimen.