Hindi natuloy ngayong araw, December 21, ang tradisyunal na programa, parada at flyby, sa pagdiriwang ng ika-86 taon na anibersaryo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Sa isang statement, sinabi ni AFP chief of staff Lt. Gen. Andres Centino na ito ay upang hindi makasagabal sa nagpapatuloy na humanitarian and disaster relief operations na isinasagawa nila sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette.
Ipagdiriwang muna aniya ng bawat sundalo ang kanilang anibersayo sa puso’t isipan habang ginagawa ang trabaho na pagtulong sa mga biktima ng bagyo.
Ito aniya ang naangkop na paraan ng pagpapahalaga sa kanilang mahabang kasaysayan ng serbisyo at tradisyon ng sakripisyo para sa mga mamamayan.
Ayon pa kay Lt. Gen. Centino, ang mahalaga ay mabigyan ng sense of security ang mga biktima ng trahedya ngayong malapit na ang Pasko.
Nagbigay-pugay ito sa lahat ng sundalo, sailor, airman, at marine na patuloy na inilalagay sa panganib ang kanilang buhay sa pagganap ng kanilang tungkulin na paglingkuran ang taongbayan.
“Today, we give tribute to the honorable contributions of our model personnel, our valued stakeholders, and the trailblazing units and offices in the General Headquarters and in the field,” pahayag ni Lt.Gen. Centino.