-- Advertisements --

Puspusan na sa pagta-trabaho sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos makumpleto ang pagtatalaga ng mga committee chairman sa Kamara.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, inaasahan niyang magiging mas abala sila ngayong halos lahat ng mga mambabatas ay alam na ang kanilang magiging tungkulin.

Nasa 50 sa 64 standing committees at 10 sa 15 special committee ng Kamara ang nakapag hirang na ng kani-kanilang chairperson.

Mula naman nang magbukas ang 19th Congress noong July 25, kabuuang 2,877 panukala na ang naihain sa iba’t ibang Komite para sa pagbalangkas nito.

Nasa 2,744 dito ang Hosue Bills, 119 ang House Resolutions, pitong House Joint Resolution, limang House Concurrent Resolution at dalawang Resolution of Both Houses.

Aminado naman si Romualdez na pinaka magiging abala sa mga susunod na linggo ang House Appropriations Committee na pinamumunuan ni AKO-BICOL Party-list Rep. Elizaldy Co.

Ito’y bunsod ng inaasahang pagsusumite ng ehekutibo ng National Expenditure Program sa ikatlong linggo ng Agosto at pagsisimula ng pag-talakay sa 2023 National Budget.

” It’s full speed ahead for us in the House of Representatives next week as committees get organized. Tuloy-tuloy na ang trabaho para maipasa ang 2023 National Budget at iba pang batas na magbabangon sa ekonomiya at kabuhayan ng mga Pilipino, ” pahayag ni Speaker Romualdez.