-- Advertisements --

Good news para sa mga naghahanap ng trabaho sa gobyerno at ipursige ang kanilang karera sa public sector.

Ito ay dahil kasama raw sa nationwide Independence Day job fairs sa Linggo ang mga trabaho sa pamahalaan.

Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Assistant Secretary Dominique Tutay, nasa 10,000 vacancies daw ang kanilang naka-offer para sa government sector.

Kasama raw ang public sector vacancies sa 135,500 jobs na available sa naturang aktibidad.

Sinabi naman ni Alejandro Inza Cruz, asst. regional director ng DOLE Region 3, nasa 1,000 local at overseas employers ang makikipag-participate sa naturang event.

Narito rin naman ang top local at overseas jobs.

Ang main venue ng programa sa Linggo ay Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos.

Asahan dadalo rito ang mga DOLE officials na pangungunahan ni Secretary Silvestre Bello III at mga stakeholders.

Sa National Capital Region (NCR), gaganapin ang tatlong job fairs sa Robinson’s Place Manila, Pasig City Sports Complex at Vista Mall sa Taguig City.

Isasagawa rin ang job fair sa Fortunate Village ClubHouse Gymnasium sa Parañaque City sa June 14.

Sinabi ni Information and Publication Service (IPS) director Rolly Francia ng DOLE, asahan daw na tataas pa ang employment opportunities habang papalapit ang event.

Inaasahan din umano nilang malalagpasan nila ang 153,000 na patrabaho na ini-offer sa job fair noong May 1 kasabay ng Labor Day.

Maliban daw sa processing ng job applications available din sa mga job fairs ang vaccination laban sa coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Ayon kay Francia inimbitahan din umano nila si President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa main event ng Independence Day job fairs sa Malolos, Bulacan.

Sa isang pahayag sinabi ni DOLE Sec. Silvestre Bello III na inimbitahan din nila si outgoing President Rodrigo Duterte pero sinabi raw nitong hindi ito makakadalo sa isasagawang event.