Nagpahayag ng suporta ang ilang ahensya ng pamahalaan sa programang trabaho para sa mga senior citizens.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ang Probinsya party-list Rep. Ronnie Ong, sinabi nitong interisado si Manila International Airport Authority (MIAAA) General Manager Ed Monreal sa proyekto niyang ito.
Ito ay matapos na pormal nang mailunsad kahapon ang programa na ito ni Ong sa Polytechnic University of the Philippines (PUP).
Ayon kay Ong, sinabi ni Monreal na 150 na senior citizens ang balak nilang ilagay sa tatlong paliparan sa Metro Manila upang magtrabaho, at inaasahang magsisimula sa susunod na buwan.
Sinabi ng kongresista na tatlong oras ang igugugol ng mga nakatatanda sa pagtatrabaho sa umaga, gayundin sa hapon.
Tatanggap ang mga ito ng minimum wage na umiiral sa rehiyon kung saan ipinapatupad ang naturang programa.
Kukunin ang pasahod sa mga working senior citizens mula sa pondo ng Department of Labor and Employment.
Tatagal aniya ang kontrata ng mga ito sa loob ng 15 araw na maari namang ma-renew.
Nauna rito, inilunsad ang programa sa PUP kung saan 15 senior citizen ang binigyan ng trabaho pero gagawin itong 50.
Sa darating naman na Lunes, 50 nakatatanda rin ang bibigyan ng trabaho sa University of the Philippines.