KALIBO, Aklan – Bahagyang tumaas ang tourist arrival sa Boracay sa unang linggo ng Nobyembre.
Batay sa datos mula sa Malay Tourism Office, umabot sa 866 ang bilang ng mga turista na bumisita sa tanyag na isla simula Nobyembre 1-9 ngayong taon.
Sa nasabing bilang, 217 ang mula sa lalawigan ng Aklan; apat ay galing sa Bacolod City; 19 ang taga-Iloilo City; at tatlo sa Capiz.
Karamihan sa mga bisita ay mga kalalakihan na umabot sa 472, at nasa 394 naman ang mga kababaihan na may edad 22 hanggang 59 anyos.
Sa kasalukuyan, puspusan ang pagsisikap ng Aklan officials na mapapayag ang Boracay Inter Agency Task Force sa kahilingan ng mga ito na tanggalin ang negatibong resulta ng Reverse Transcription Polymerase Chain Reaction o RT-PCR test bilang requirement sa mga turistang gustong magbakasyon sa isla.
Kasunod ito ng matamlay na pasok ng bilang ng mga turista kahit na binuksan na ang Boracay sa domestic tourist.