-- Advertisements --

Umaasa ang Department of Tourism (DOT) na lalo pang bubuhos ang mga papasok sa bansa o tourist arrivals kasunod na rin ng pagluluwag sa entry requirements.

Una rito, ipinatupad na ng gobyerno ng Pilipinas ang patakaran na hindi na requirement ang pre-departure COVID-19 test para sa mga incoming fully vaccinated passengers simula May 30.

Isa ito sa mga hakbang upang makarekober ang ekonomiya mula sa matinding epekto ng COVID pandemic.

Una rito, inaprubahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang Resolution 168 na nagbibigay exemptions sa mga fully vaccinated at boostered foreign nationals na magpakita pa ng RT-PCR test requirement.

Batay din sa bagong patakaran ang mga biyahero na mula 18-anyos at pababa ay kailangan lamang nagpaturok na ng COVID-19 vaccines at kahit meron isang booster shot.

Exempted din sa pre-departure RT-PCR requirement ang mga foreign nationals na edad 12-anyos hanggang 17-anyos na tumanggap na ng primary COVID-19 vaccine/s o ang mga may edad 12-anyos pababa na may kasamang fully vaccinated o boostered parents o guardians.

Ang naturang exemption guidelines ay para rin sa mga Pinoy na babiyahe patungo ng Pilipinas.

Kaugnay nito, ikinagalak ni Tourism Secretary Puyat ang naturang implementasyon dahil magiging magaan na para sa mga turista na makabisita sa bansa.

Ang naturang dveleopment aniya ay magsisilbing panalo sa local tourism industry at tiyak daw na makakatulong ng husto para sa tuloy tuloy na pagbangon ng mga MSMEs at makatulong din sa pagkakaroon pa ng mga trabaho.

Kung maalala rin maging ang travel insurance ay hindi na rin required, pero hinihikayat naman na kung maaari ay magkaroon pa rin para sa mga arriving passengers.

Samantala batay naman sa mga mga datos, nasa kabuuang 517,516 foreign tourist arrivals ang naitala na dumating sa Pilipinas mula February nitong taon hanggang buwan ng Mayo.

Karamihan daw sa mga foreign tourists na umaabot sa 104,589 ay nagmula sa United States, sinsundan ng South Korea na nasa 28,474, at Canada na may arrivals na 24,337.

Sumusunod din sa maraming dumating sa bansa ang mga Australian nationals 23,286, British/English 20,846, at Japanese tourists 13,373.