Ipinagpaliban muna ng Sandiganbayan Third Division ang pagresolba sa magkakahiwalay na petisyon para sa piyansa ni dating senador Ramon Bong Revilla Jr. at anim niyang co-accused kaugnay ng kasong malversation na may kaugnayan sa P92.8 milyong flood control project sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa korte, kailangan pa nila ng karagdagang panahon dahil sa dami ng records, dokumento, at testimonya ng mga testigo na bahagi ng kaso. Orihinal sanang ilalabas ang desisyon noong Mayo 6, 2026.
Sinabi ni Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma na humiling ang korte ng dagdag na 30 araw upang masuri nang mabuti ang mga pleadings at iba pang isinumiteng dokumento matapos ang huling pagdinig noong Abril 24.
Kabilang sa mga nahaharap sa kaso kasama ni Revilla sina dating DPWH Assistant District Engineer Brice Hernandez, ilang engineers, at accountants na umano’y may kaugnayan sa implementasyon ng kontrobersyal na proyekto.
Ang extension para sa pagresolba sa mga bail petition ay magsisimula umano noong Mayo 7, 2026. (report by Bombo Jai)
















