-- Advertisements --
boracay beach sand

KALIBO, Aklan – Kumpiyansa ang Malay Tourism Office na lalo pang tataas ang tourist arrivals sa isla ng Boracay matapos payagan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na makabiyahe ang mga kabataan at senior citizens na fully vaccinated sa National Capital Region (NCR).

Sinabi ni Malay Tourism Officer Felix delos Santos na may malaking epekto sa mga turistang bumibisita ang ipinapatupad na travel restrictions.

Karamihan aniya sa mga nagbabakasyon sa isla ay pawang magpamilya at mayoriya dito ay taga-NCR.

Dahil dito, ikinatuwa nila ang pag-apruba sa point to point interzonal travel ng mga taga-NCR na may edad 18-anyos pababa gayundin ang 65-anyos na may comorbidities at buntis papunta sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community.

Samantala, simula Oktubre 1 hanggang 11, 2021, pumalo na sa 6,925 ang mga turistang nagbakasyon sa Boracay batay sa record ng Malay Municipal Tourism Office.

Nangunguna pa rin dito ang taga-NCR na nakapagtala ng 5,125.

Sinundan ito ng Calabarzon na may 476, Aklanon na may 475 at Central Luzon na may 399.