Lubos na ikinalagak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na opisyal nang kabilang ang Pilipinas sa mga upper-middle-income country, matapos manatiling lower-middle-income country mula pa noong 1987.
Ayon sa Pangulo, patunay ito na naging epektibo ang mga ipinatupad na polisiya sa ekonomiya sa nakalipas na apat na taon.
Sinabi ng Punong Ehekutibo, nakatulong ang tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya, matatag na halaga ng piso, at mga reporma upang mapalakas ang ekonomiya sa kabila ng pandaigdigang hamon.
Dagdag pa ng Pangulo na inaasahang magpapataas ito ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan, na magbubukas ng mas maraming negosyo, dekalidad na trabaho, at oportunidad para sa mga Pilipino.
Binigyang-diin ng Pangulong Marcos na ang pag-unlad ng ekonomiya ay dapat maramdaman ng bawat pamilya sa pamamagitan ng mas magandang kabuhayan at kalidad ng buhay.
Malugod din na tinanggap ng Pangulo ang pagkilala ng World Bank sa Pilipinas bilang upper-middle-income country.
Ayon sa World Bank, umabot sa USD 4,850 ang gross national income (GNI) per capita ng bansa noong 2024, mas mataas sa itinakdang USD 4,636 na batayan para sa UMIC.
Ayon naman sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), inaasahang magpapalakas ang bagong klasipikasyon sa kumpiyansa ng mga mamumuhunan, magpapalawak ng pamumuhunan, at lilikha ng mas maraming dekalidad na trabaho.
Binigyang-diin din ng ahensya na nananatiling prayoridad ng pamahalaan ang inklusibong pag-unlad upang maramdaman ng lahat ng Pilipino ang benepisyo ng paglago ng ekonomiya.










