Naglabas ng Executive Order si Mayor Lani Mercado Revilla para tuluyan nang ilagay sa total lockdown ang Brgy. Molino 3 sa Bacoor City.
Ito ay isa sa mga hakbang na ginagawa ng lokal na pamahalaan ng Bacoor para pigilan ang pagakalat ng virus matapos maitala sa naturang baranggay ang pinakamataas na kaso ng COVID-19.
Batay sa nilagdaan na EO ng alkalde, epektibo ang total lockdown simula 12:01 AM ng April 24, 2020 hanggang April 30, 2020.
Maglalagay din ang anim na checkpoints at apat na road blocks upang kontrolin ang bilang ng mga taong papasok at lalabas ng baranggay.
Pinapayuhan din ang bawat residente na manatili lamang sa loob ng kanilang bahay.
Ayon pa rito, magbibigay sila ng panibagong quarantine passes para sa mga residente na papayagang lumabas sa Palengke Day ng Molino 3. Maaari silang mamalengke tuwing Martes, Miyerkules, Biyernes at Sabado.
Magkakaroon na rin ng mga Rolling Stores sa iba’t ibang bahagi ng Molino 3. Hinihikayat din ng lokal na pamahalaan na gamitin ang Molino Palengke Online na pwedeng umorder at mag-deliver.
Prayoridad din ang nasabing baranggay para sa mga ipamamahaging relief packs at Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD.
Samantala, hindi naman papayagan ang home quarantine sa mga suspected, probable at positive patients na nagpapagaling lang at hinihintay ang kanilang resulta.
Inaasahan din na may dadating na pwersa ng militar para tumulong sa ipapatupad na lockdown sa Molino 3.
Sa ngayon ay mayroon ng 66 positive COID-19 patients ang Bacoor, siyam na ang namatay dahil sa virus habang 14 naman ang naka-recover.