Kinumpirma ni Foreign Affairs Sec. Teddy Locsin Jr. na magpapatupad na ang pamahalaan ng total ban sa lahat ng bansa dahil sa binabantayang kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.
Sa kanyang online post, sinabi ni Locsin na ipahihinto na nila ang issuance ng visa sa lahat ng tanggapan ng gobyerno sa loob at labas ng bansa.
“We are stopping the issuance of visas from all posts abroad and here. This goes one imperative step forward: a total ban on incoming foreign visitors of all nationalities no exceptions,” ani Locsin sa isang Twitter post.
“Outgoing foreign visitors should be given all the help to get out. Idiotic to detain them.”
Dahil dito, inaasahan na wala munang dayuhan ang makakapasok ng Pilipinas.
Nilinaw ng Foreign Affairs chief na walang exemption ang kanilang ipapatupad na kautusan.
Ang papayagan lang daw na bumiyahe ay yung mga dayuhan na nandito sa Pilipinas at gugustuhin ng umuwi ng kanilang bansa.
Sa ngayon wala pang inilalabas na bagong guidelines ang Inter-Agency Task Force kaugnay ng mga travel advisory.