KORONADAL CITY – Hindi maiwasang mabahala ng ilang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa sitwasyon sa Gitnang Silangan kaugnay sa lumalalang tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Ayon kay Bombo correspondent Kenneth Bravante Sandigan, security guard sa isang kompanya sa Ibril, Iraq ngunit residente ng Banga, South Cotabato, bagama’t malayo sila sa lugar ng kaguluhan ay apektado pa rin sila.
Ito’y dahil sa mga pag-atakeng nangyayari sa kanilang lugar lalo na’t nasa gitna ng Iran at Iraq ang kaniyang pinagtatrabahuhan.
Dagdag ni Sandigan, kanya-kaniya ring paglikas ang ginagawa ng mga tauhan ng US consulate kung saan nagtitipon ang mga ito sa Iraq upang makaligtas sa kaguluhan.
Sa ngayon aniya ay normal ang sitwasyon sa kanilang lugar ngunit nananatiling nasa high alert ang estado ng bansa dahil sa mga posibilidad ng airstrike.
Inabisuhan aniya sila ng konsulada na maging mapagmatyag lamang at manatiling kalmado sa naturang pangyayari.
Samantala, nananawagan ang mga Iraqis na huwag silang idamay sa gulo ng dalawang bansa.
Kasunod ito sa pagpatay ng umano’y mga kasapi ng US-led coalition sa top military official ng Iran na si Qasem Soleimani.