LEGAZPI CITY – Agaw-pansin pa rin sa social media ang mga larawan ng tone-toneladang tamban sa Bulan Fish Port Complex sa Sorsogon.
Marami kasi ang nagpahayag ng panghihinayang nang makita ang naturang mga isda kahapon na ilan ay hinayaan na lamang sa pantalan.
Paliwanag ni Port Manager Carlos Hagosojos sa Bombo Radyo Legazpi, naantala nang kaunti ang abiso ng mga canneries sa Maynila sa pansamantalang pagtigil ng pagbili ng tamban.
Pumalaot na rin ang mga mangingisda subalit sa kanilang pagbalik ay wala rin namang mamimili ng mga huli.
Major supplier kasi ang Bulan ng mga isdang ginagawang sardinas sa Manila, Batangas at Bulacan, habang nasa 30 hanggang mahigit pa sa 50 na truck ang sumasadya sa bayan sa bawat araw para mamili.
Kaya naman bagsak-presyo sa P100 hanggang P200 ang banyera para may maiuwi pa ring kita sa pamilya ang mga mangingisda.
Dahil kinulang sa yelo ang ilan na hindi na puwedeng ibenta ay ipinadala na lamang sa mga pagawaan ng bagoong upang hindi tuluyang masayang.
Samantala, balik na rin sa normal ang bilihan ng tamban ngayong araw na nasa P700 hanggang P900 ang bawat banyera.
















