-- Advertisements --
received 1016330932207636

Magiging masaya ang pagdiriwang sa araw ng Pasko ng mga tricycle drivers sa Bacoor City dahil sa maagang pamasko na hatid ni Mayor Lani Revilla. 

Tumanggap kasi ng 15 units na modernized public utility vehicles ang TODA Transport Service and Multipurpose Cooperative ngayong araw. 

Pinangunahan ang turnover ceremony na ito ni Mayor Lani Mercado Revilla, CDA-Regional Director Salvador Valeroso, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Regional Director Col. Renwick Rutaquio, at LTFRB Chairman Atty. Martin Delgra III. Kabilang sa itinurn-over ay ang Mahindra Supro Modern Jeepney.

Ang mga TODA ay isa sa mga pangunahing sektor na lubos na apektado sa panahon ng pandemya. Ilang buwan din silang hindi nakabyahe at noong mag-uumpisa namang bumiyahe ay maliit pa din ang kanilang kita dahil sa limitadong galaw ng mga byahero.

Ang JEEP KO Project ay inilaan sa mga TODA sa Lungsod ng Bacoor na babyahe mula sa bayan ng Bacoor papuntang Zapote, paikot ng SM Bacoor pabalik sa bayan. 

Ayon kay Mayor Lani, aabot sa 21 units na JEEP KO vehicles ang maibibigay sa kooperatiba, habang may paparating pa na 6 units sa susunod na taon. 

“Sa panahon ng pandemya, walang ibang magtutulungan sa ating mga kababayan kundi tayo lamang. Kaya naman, sinikap nating mabigyan ng maayos na programa ang ating mga kababayang TODA para sila ay makapagpatuloy sa kanilang pagbyahe,” ayon kay Mayor Lani Revilla.

Ang mga JEEP KO units ay modernized at magpapatupad ng cashless payment. Gamit ang GET Philippines application na maaaring i-download sa mga cellphones, maiiwasan ng mga byahero ang physical contact sa pagbabayad ng kanilang pamasahe. 

“Talagang kailangang paghandaan ang ating pagpasok sa new normal set-up of living. Hi-tech na tayo at kailangan ay online na ang lahat, kaya ang ating transport sector ay umaangkop na din sa ating sitwasyon. Asahan natin na magpapatuloy ang mga ganitong innovations hanggang sa tuluyan nating maipatupad sa lahat ng ating mga public utility vehicles,” saad ng alkalde. 

Tunay umano na magiging masaya ang pasko ng mga TODA drivers ng Bacoor dahil naniniwala raw ang alkalde na kung sama-sama at nagtutulungan ang bawat isa ay tiyak na maitataguyod ang kaunlaran na magbibigay naman ng magandang buhay para sa mga Bacooreño.