Hinihimok ng Philippine Tobacco Growers Association (PTGA) at National Federation of Tobacco Farmers Association and Cooperatives (NAFTAC) ang Senado na agad na ipasa ang Senate Bill 2432 o “Anti-Agricultural Economic Sabotage Act” na sponsored ni Senator Cynthia Villar.
Sa pahayag ng mga nabanggit na asosasyon na may halos 50,000 miyembro, ang nasabing panukalang batas ay mapo-protektahan ang sektor mg agirkultura na lubos na naaapektuhan ng smuggling kabilang ang tobacco.
Ayon kay PTGA president Saturnino Distor, nararapat lamang na masugpo ang smuggling dahil ito ang nakakasira sa kabuhayan at kita ng mga lokal na magsasaka at sa mga umaasa sa kanila.
Aniya, marami ring Pilipino ang nakadepende sa industriya ng tabako para sa dagdag kita at benepisyo kung saan ito ang nagtatawid sa kanilang pamilya habang hinihintay ang panahon ng pagtanim ng mais at palay.
Dagdag pa ni NAFTAC Chairman Bernard Vicente, unti-unting pinapatay ng salot na dulot ng iligal na sigarilyo ang kanilang kabuhayan kaya’nakikiisa sila sa iba pang sangay at sektor ng agrikultura sa panawagang ipasa na ng Senado ang bill.
Iginiit ni Vicente na makikinabang ang industriya ng tabako sapagkat mababawasan na ang pagpupuslit at pagbenta ng iligal na tabako.
Ikinadismaya naman ng PTGA at NAFTAC ang ilang grupo na hindi pabor sa nasabing Senate bill kung saan hindi naman daw sila ang naapektuhan.
Lahat din daw ng Pilipino ay nakikinabang sa produksyon ng tabako lalo na’t ito ang nagbabayad ng Philhealth at ginagamit ng Department of Health (DOH) sa pagpapatayo ng mga ospital at mga health centers.