BAGUIO CITY – Nakaabot ang maraming unggoy sa gusali kung saan nakatira ang isang Pinoy worker sa Mumbai, India.
Sa ulat ni Bombo International Correspondent Armando Eduarte, isang senior visual merchandising manager sa Lungsod ng Mumbai, kahapon ay maraming unggoy ang nakalabas mula sa Borivali Forest at nagtungo ang mga ito sa kalsada at sa mga gusali para maghanap ng pagkain.
Aniya, sa kanilang gusali ay tinatayang aabot sa 50 unggoy ang umakyat sa bamboo scaffolding ng gusali at ilan sa mga ito ay may mga hawak pang sanggol na unggoy.
Sinira aniya ng mga ito ang mga tanim ng katabi niyang flat at kung walang tao o kaya ay bukas ang bintana ay pumapasok ang mga unggoy para maghanap ng pagkain.
Paliwanag ni Eduarte, dahil sa community quarantine dulot ng Coronavirus Disease 2019 pandemic ay libreng nakakagala ang mga unggoy sa mga kalsada at gusali sa India dahil walang tao na sisita at magpapaalis sa mga ito.
Dinagdag niya na sa normal na sitwasyon o panahon ay maraming tao na nagpapakain sa mga nasabing unggoy kung lalabas ang mga ito mula sa kanilang habitat lalo pa at magkalapit lamang ang Borivali Forest at ang Mumbai City.
Napag-alamang sa mga nakaraang linggo ay maraming beses nang lumabas ang mga unggoy mula sa gubat para maghanap ng pagkain kung saan pagalagala ang mga ito sa mga kalsada at ilang gusali sa India ang kanilang inokupa.