-- Advertisements --

Nagpa-abot ng pakikiramay ang TINGOG Party-list sa mga pamilya ng mga estudyanteng nasawi at nasugatan sa pamamaril na naganap sa San Jose National High School sa Tacloban City.

Ayon sa grupo, nakikipag-ugnayan na sila sa mga ospital, lokal na pamahalaan, Department of Education, at iba pang ahensya upang matiyak na mabibigyan ng kinakailangang gamutan at tulong medikal ang mga sugatang estudyante.

Maglalaan din umano sila ng psychosocial at mental health support para sa mga pamilya ng mga biktima, mga estudyante, guro, at iba pang apektado ng insidente.

Nanawagan ang TINGOG Party-list ng mabilis, masinsinan, at patas na imbestigasyon upang matukoy kung paano nangyari ang insidente at kung paano nakapasok ang mga baril sa loob ng paaralan.

Suportado rin ng grupo ang pagpapatibay ng mga hakbang para sa kaligtasan sa mga paaralan, kabilang ang mas mahigpit na seguridad at mas malapit na koordinasyon ng mga paaralan, magulang, barangay, pulisya, at iba pang sektor.

Iginiit ng TINGOG Party-list na patuloy silang makikiisa sa komunidad ng San Jose National High School at sa mga mamamayan ng Tacloban habang isinasagawa ang paghilom at pagbangon mula sa trahedya.