-- Advertisements --

Pinayagan na ng Senate Blue Ribbon Committee na ilipat sa Angeles City Jail ang umano’y leader ng Pampanga “ninja cops” dahil sa humanitarian considerations.

Sinabi ni Senator Richard Gordon na kasalukuyang nasa mapanganib na lugar si Police Maj. Rodney Raymundo Baloyo IV. May malalakas na tao raw kasi ang maaari niyang makalaban dito.

Bukod pa rito ay diabetic din umano si Baloyo at ang anak pa nito ay may kapansasnan.

Si Baloyo ay nakakulong ngayon sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City matapos siyang ipa-contempt ng Senate Blue Ribbon dahil sa papalit-palit nitong pahayag ukol sa nangyaring drug raid noong 2013.

Magugunita na ilan sa kaniyang mga tauhan ang sangkot sa umano’y muling pagbebenta ng 160 kilograms ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P648 million na nasamsam sa naturang operasyon.

Di-umano’y binayaran ang grupo ni Balyo ng P50 million para palayain ang Chinese drug lord na si Johnson Lee at isa pang Chinese national na kinilala naman bilang si Ding Wengkun.

Ito rin ang nagbunsod sa maagang pagbaba sa pwesto ni dating PNP chief Gen. Oscar Albayalde dahil sa pagkakadawit nito sa naturang insidente.

Dagdag pa ng senador, ibinigay na ang tramsfer papers ni Baloyo sa sergeant at arms ng Senado na si Maj. Gen. Rene Samonte ngunit kailangan pang kumpirmahin kung nadala na si Baloyo sa Pampanga.