-- Advertisements --

Sinigurado ng Department of Health (DOH) na suportado nito ang kung ano mang makakabuti para sa mga medical frontliners na walang humpay na tumutulong sa bansa upang hindi na kumalat pa ang COVID-19.

Ito’y matapos kalampagin ng mga nars at doktor ang national government upang isailalim ang Mega Manila sa dalawang linggong enhanced community quarantine dahil halos araw-araw nang umaabot sa record-breaking ang naitatalang bagong kaso ng deadly virus sa Pilipinas.

Binubuo ang Mega Manila ng National Capital Region (NCR), Central Luzon, CALABARZON at MIMAROPA.

Hindi naman naging malinaw kung supportado rin ng DOH ang panawagan ng mga frontliners na ibalik sa ECQ ang mga nabanggit na lugar.

Ang naturang rekomendasyon ng mga medical frontliners ay bilang tulong umano para matalakay ng maayos ang mga kasulukuyang isyu tungkol sa hospital workforce efficiency, palpak na case finding at isolation, contact tracing, quarantine at marami pang iba.

Sa inilabas na pahayag ng health department, nakasaad dito na kailangang siguraduhin ang maayos na implementasyon ng community quarantines sa iba’t ibang lugar para protektahan na in ang ating mga health workers.

Binigyang-diin din ng DOH na sa kabila nang ginagawang hakbang ng gobyerno para labanan ang virus, dapat daw ay tumulong ang publiko na hindi mag-overload ang healthcare capacity ng bansa.

Bukas naman ito na makipagtulungan sa iba’t ibang medical societies at frontline health care workers hinggil sa COVID-19 response efforts.